National Museum Zoological Collection
ZOOLOHIYA
Malmag, Mamag (Mindanao);
Mago (Samar); Magau (Leyte)
Ang Philippine tarsier na kalimitang pinagkakamalang maliit na unggoy ay ibang-iba sa unggoy. Bagamat parehong nagmula sa Order na Primate, ang tarsier ay mula sa Pamilya ng Tarsiidae samantalang ang unggoy naman ay mula sa Pamilya ng Cercopithecidae. Ang tarsier ay maliit at may malalaking mata na diretso ang tingin na animo’y nakatitig. Ang mga matang ito ay hindi naigagalaw kaya kinakailangan ng tarsier na iikot ang kaniyang ulo ng 180º upang makita ang bagay na nasa tagiliran. Mas aktibo sa gabi, ang mata ng tarsier ay sanay sa dilim, kaya’t sa gabi ay lumalaki ang ‘pupil’ ng mata nito na halos matakpan ang buong ‘iris’. Samantalang sa araw naman o kapag nasisinagan ng nakasisilaw na liwanag, ang ‘pupil’ ay lumiliit na halos isang maliit na guhit na lamang. Bukod sa kakaibang mata, ang tarsier ay may kakayahan ding iikot ang kaniyang ulo ng 360º, isang natatanging kakayahan na nagagamit nito sa paglilipat-lipat sa mga puno at paghahanap ng pagkain. Lubhang matalas ang pandinig ng tasier. Ang tenga nito ay nababaluktot at naigagalaw sa magkaibang direksiyon kapag natutuwa at naigagalaw papunta sa direksiyon na pinanggagalingan ng tunog. Ang mga braso at paa nito ay ginagamit sa pagkapit, pagtalon at paghawak. Mas mahaba ang binti kaysa sa braso nito. Ang mga daliri sa kamay at paa ay malapad na pabilog sa dulo. Mayroon itong mga kuko na malapad maliban sa pangalawa at pangatlong daliri sa paa na sa halip ay may matutulis na kuko. Pinaniniwalaang nakuha ang pangalang tarsier sa mahabang ‘tarsus’ nito na nakakatulong sa pagtalon. Ito ay may sukat na 15 hanggang 17 pulgada. Doble ang haba ng buntot kaysa sa katawan at walang balahibo maliban sa dulo na may ilang buhok na tumutubo.
Paborito nitong kainin ang mga buhay na insekto, maliliit na ‘vertebrates’ (tulad ng palaka, butiki at ibon) gagamba, bulati at ‘larva’ nito. Ang pagkamot, pagdila sa balahibo at pagkukuskos ng mukha sa sanga ay paraan upang mapanatili nitong malinis ang sarili. Ang tarsier ay nakikipagtalik lamang sa isa. Bandang Abril o Mayo ay panahon ng kanilang pagpaparami at sa panahong ito ay naglalabas sila ng kakaibang amoy na mahalaga sa kanilang pakikipagsalamuha at pakikipagtalik. Nag-uumpisa ang panliligaw kapag namamaga ang ari ng babaeng tarsier at nagbibigkas ng ng kakaibang tunog (vocalization) na sinasagot naman ng lalaki. Sa mga panahong ito ay inaamoy ng lalaking tarsier ang ari at ihi ng babae. Susunod na ang pagtatalik pagkatapos nito. Hanggang 6 na buwan ang pagbubuntis nito at nanganganak ng isa.
Kadalasang hinuhuli ng mga tao upang ibenta at gawing alaga, ang tarsier ay hindi nabubuhay ng matagal dahil nangangailangan ito ng mahalumigmig na kapaligiran. Nababalisa ito sa palagiang paghipo at panonood at namamatay ito sa matinding ‘psychological trauma’. Matatagpuan ang tarsier sa Mindanao, Bohol, Leyte at Samar. Ito ay ideneklarang ‘specially-protected species’ sa Pilipinas ng dating pangulo Fidel V. Ramos noong taong 1997.
hango sa