National Museum Zoological Collection
ZOOLOHIYA



Tamaraw o Timaraw











Ang tamaraw na tinatawag sa ingles na dwarf water buffalo ay may hawig sa kalabaw kaya lang ay mas maliit ito at ang sungay ay korteng titik “V” at mas maikli. Mas makapal ang kulay kape at itim na balahibo.

Ang tamaraw ang pinakamalaking mamal na katutubo dito sa Pilipinas at sa Mindoro lamang ito matatagpuan.

Tipikal na tirahan ng tamaraw ang damuhan na malapit sa gubat at may malapit na sapa o ilog na maiinuman at malulubluban. Kinakain nito ang iba’t ibang uri ng damo lalo na ang mga bagong tubo. Karaniwan itong makikitang nag-iisa maliban lamang kung panahon ng pagtatalik kung saan magkasama ang babae at lalaking tamaraw. Isa lamang ang iniaanak ng babaeng tamaraw tuwing makalawang taon. Sa gulang na 2 hanggang 4 na taon ay humihiwalay na ang mga batang tamaraw sa kanilang ina.

Agresibo at matapang, ang tamaraw ay may malakas na pang-amoy at nararamdaman nila ang kaaway kahit na isang milya ang layo nito.

Noong mga huling taon ng 1800’s ay karaniwan ng makikita ang tamaraw sa halos saang gubat sa isla ng Mindoro. Ngunit dahil sa pagtotroso, pangangaso, pagkalat ng epidemya na dala ng peste, pati na ang pagsulpot ng mga rancho at sakahan sa kagubatan ng Mindoro ay unti-unti nang nabawasan ang populasyon o bilang ng mga tamaraw.

Ngayon, isa ang tamaraw sa mga mamal sa buong mundo na pinangangambahang tuluyang mawala. Mula sa 10,000 na bilang noong mga taong 1900’s, ang populasyon ng tamaraw ay bumaba sa bilang na 200 hanggang 300 ulo na lamang. Upang mailigtas ang tamaraw sa tuluyan nitong pagkaubos, ang Tamaraw Conservation Program ay itinatag ng pamahalaan sa pakikiisa ng University of the Philippines sa Los Baños, Laguna, UPLB Foundation, Inc., at Lokal na Pamahalaan ng Occidental Mindoro. Layunin nitong makontrol ang mga naging sanhi ng mabilis na pag-unti ng populasyon ng tamaraw at mapataas sa tamang bilang ang populasyon nito. Layunin din ng programang ito na maprotektahan at buhayin ang natural na tirahan ng tamaraw sa Mindoro.


hango sa

ANIMAL WONDERS

A Museum Handbook for Teachers

Free Web Hosting