National Museum Zoological Collection
ZOOLOHIYA
Paru-paro
Ang paru-parong ‘swallowtail’ ay may dalawang porma at nahahati sa dalawang grupo. Ang tinatawag na ‘Blue patched’ o ‘spring form’ na may kulay bughaw sa hulihang pakpak at ang ‘Green patched’ o ‘summer form’ na may kulay luntian o berde sa hulihang pakpak. Ang babaeng paru-paro ay may malalaking batik na pula at mas mahabang buntot kaysa sa lalaking paru-paro.
Ang paru-parong ito ay mula sa Pamilya ng Papilionidae at matatagpuan lamang sa Hilagang Luzon sa parteng Mountain Province. Ang Papilio chikae ang pinakamakulay at kinahuhumalingang paru-paro ng maraming kolektor at ‘hobbyist’. Ito ang itinuturing na pinakamahal na paru-paro sa Pilipinas. Bukod sa angkin nitong ganda, isa ito sa pinakamahirap hulihing paru-paro bagay na ikinatataas ng uri nito. Kalimitan itong matatagpuan sa mga gilid ng bangin at tuktok ng bundok ng Baguio City at Bontoc. Ang paru-parong ito ay maaaring alagaan at paramihin sa pamamagitan ng pagtatanim ng halamang pinagkukunan nito ng pagkain.
Ginagamit ang ‘butterfly net’ sa paghuli ng paru-paro. Ang nahuling paru-paro ay pinipisil ng bahagya sa katawan at inilalagay sa ‘paper triangle’ upang hindi masira ang pakpak. Kung ito naman ay i-didisplay ito ay inilalapat sa ‘mounting board’ sa pamamagitan ng paglalagay ng aspileng pang insekto at pinatutuyo ng humigit kumulang isang linggo. Pagkatapos ay maaari na itong ilagay sa kahon at lagyan ng pinulbos na PDB (paradichlorobenzene) o naptalina upang huwag sirain ng insekto.
hango sa