National Museum Zoological Collection
ZOOLOHIYA
Palakang Palayan; Palakang Bukid
Ang mga palakang palayan ay may matabang katawan at maiikling binti. Ang nasa tamang gulang na palakang palayan ay may sukat na 46 hanggang 88 na milimetro mula dulo ng bibig hanggang dulo ng puwit. Ito ay may animo sobrang balat na pahaba sa likod. Patulis ang mga daliri at ang mga paa ay may ‘web’ tulad ng sa pato. Abuhin ang kulay nito o kaya’y kulay kape na may maiitim na marka. May isang pares ng maitim na batik sa gilid ng lalamunan at sa bandang ibaba ng katawan ay kulay puti.
Makikita ang palakang palayan sa palayan, lawa-lawaan, ‘ditches’ at ‘mangrove swamps’. Nakakaya nitong mabuhay sa tubig-alat at tabang. Ang kinakain nito ay mga insekto, maliliit na talangka, at iba pang mga hayop na walang buto (invertebrates). Nangingitlog ito sa tubig-tabang (ponds) tuwing Pebrero o Marso hanggang sa tag-ulan ng Septyembre.
Mahalaga ang mga palakang palayan sa ating kapaligiran. Hindi man kagandahan ang anyo, ang mga palakang palayan tulad ng ibang palaka ay nakakatulong sa pagkontrol ng pagdami ng populasyon ng mga insekto na kalimitang peste sa pananim at tao. Nagsisilbi rin itong pagkain ng ibang hayop sa bukid at pati na rin ng tao dahil sa masarap nitong laman na kalimitang mabibili sa palengke. Kalimitan itong makikita kung saan may tubig tulad ng kanal sa mga sakahan o damuhan sa paligid ng Maynila tulad ng Laguna, Cavite, Novaliches, Bulacan, at sa iba pang probinsiya. Makikita ito sa gabi sa pamamagitan ng pangingilaw gamit ang lente.
hango sa