National Museum Zoological Collection
ZOOLOHIYA
Pawikan
Ang pawikan ay isang malaking pagong. Ang ‘carapace’ o matigas na balat sa likod nito ay may sukat na 90 hanggang 120 sentimetro ang haba. Ang bibig nito ay hindi baluktot at may tig-isang kuko sa bawat paa. Kulay ‘olive’ o ‘reddish brown’ na nahahaluan ng dilaw kapag ito ay buhay. Ang ‘flippers’ ay kulay itim na may halong ‘olive brown’ sa parteng itaas at dilaw sa bandang ibaba. Tinawag itong green turtle sa ingles dahil sa kulay berdeng taba sa katawan nito bunga ng halaman na kinakain nito.
Makikita ang pawikan sa karagatan ng buong Pilipinas at iba pang subtropikal na dagat. Naghuhukay ito sa buhangin kapag mangingitlog na at saka tinatabunan ang mga itlog. Ang mga itlog ay kusang napipisa at ang maliliit na pawikan ay isa-isang naglalakbay papunta sa dagat. Umaabot ng 100 ang itlog ng pawikan ngunit hindi lahat ay nabubuhay at umaabot sa gulang na sila ay mangingitlog na rin. Ang iba ay nakakain ng malalaking hayop habang naglalakbay sa dagat at ang iba naman ay kinakain habang itlog pa lang. Ang itlog ng pawikan ay masarap at sagana sa nutrisyon. Hindi lamang ibang hayop ang kumakain ng itlog ng pawikan, pati ang tao ay nangongolekta at kumakain nito.
Bagaman makikita sa buong kapuluan ng Pilipinas, ang pawikan ay pambihira dahilan sa pag-aabuso sa panghuhuli nito dahil sa malambot nitong karne at itlog. Ang iba ay pinapalamnan o ginagawang palamuti sa mga tindahan.
Noong taong 1980, itinatag ng dating Ministry of Natural Resources bilang Marine Turtle Sanctuaries ang Baguan, Turtle Island, Tawi-tawi; Bancauan, Mapun, Tawi-tawi; Halog, Tanobon, El Nido; Kota at Panata sa Palawan; at ang munisipalidad ng Caluya sa Antique. (Administrative Order Bilang 8 s. 1982, 34 s. 1982, at 518 s. 1984)
Sa kasalukuyan, ang Pawikan Conservation Project na itinatag ng PAWB-DENR noong 1998 upang maprotektahan ang itlog ng pawikan ang siyang kumokontrol sa pagkolekta ng itlog nito sa pamamagitan ng paglimita ng pagbibigay ng pahintulot at ang pamanahong pagkolekta ng itlog.
hango sa