National Museum Zoological Collection
ZOOLOHIYA
Kabayo-kabayohan
Ang kabayo-kabayohan ay kakaibang isda na may ulo na kahawig ng sa kabayo at ang katawan ay makitid na may buntot sa dulo. Sa halip na kaliskis, ang katawan nito ay napapalibutan ng tinatawag na ‘rings of dermal body plates’. Ito ay may karaniwang laki na 5.3 hanggang 16 sentimetro.
Ito ay lumalangoy ng patayo (vertical) habang iginagalaw ang palikpik sa likod at tagiliran, isang paraan na kakaiba sa ibang isda. Ginagamit nito ang kaniyang buntot sa pagkapit sa isang bagay. Ito ay may kakayahang magpalit ng kulay na naaayon sa kaniyang kapaligiran, isang katangiang ginagamit sa pag-iwas sa kaaway at sa paghahanap ng pagkain. Dahil dito mahirap makita ang kabayo-kabayohan. Nakatira ang kabayo-kabayohan sa maputik o kaya ay sa mabuhanging ilalim ng dagat o di kaya ay sa bahura. Kalimitang kinakain nito ay mga maliliit na organismong nakalutang sa dagat, maliliit na anak ng isda at iba pang mga hayop-dagat na walang buto (invertebrates).
Isa pang kakaiba sa kabayo-kabayohan ay ang paraan ng panganganak. Ang lalaking kabayo-kabayohan ang siyang nanganganak sa pamamagitan ng ‘brood pouch’ o lalagyanan sa kanilang tiyan. Ang babaeng kabayo-kabayohan ay nangingitlog sa ‘pouch’ ng lalaking kabayo-kabayohan hanggang ang mga ito ay ma-‘fertilize’ at mabuo. Ibinabaluktot ng buntis na kabayo-kabayohan ang kanyang ‘pouch muscles’ hanggang lumabas ang mga batang kabayo-kabayohan.
Ang Hippocampos spinosissimus ay matatagpuan sa Sri lanka, Malaysia, Indonesia, Vietnam, Pilipinas (Cavite, Bohol), Taiwan, at Australia.
Ang ganitong uri ng kabayo-kabayohan ay ginagamit sa medisina. Ang tuyong kabayo-kabayohan ay kinakain ng mga Intsik bilang gamot na pampalakas. Inaalagaan rin ito sa akwaryum. Sa kasalukuyan ay bumubuo ng panukala (policy) para sa pangangalaga ng mga kabayo-kabayohan. Ang mga ahensyiang iminungkahi bilang miyembro ng Technical Working Group (TWG) para sa pangangalaga ng kabayo-kabayohan ay ang mga sumusunod: Project Seahorse (HARIBON), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), National Museum (NM), Silliman University (SU), Mindanao State University-Naawan (MSU-Naawan), Kabang Kalikasan ng Pilipinas (KKP), UP-Marine Science Institute, UP-Visayas, SEAFDEC at DENR-PAMB.
hango sa