National Museum Zoological Collection
ZOOLOHIYA
Buwaya
Ang Philippine crocodile ay medyo maliit sa sukat nitong umaabot sa 3 metro kumpara sa Crocodylus porosus. Ito ay kulay kape (dark brown) at puti ang tiyan. Meron itong itim na pahalang na guhit sa katawan at buntot. Mayroon itong anim na kakaibang kaliskis sa ibaba ng ulo. Ito ay may 22 hanggang 26 pahalang na kaliskis sa pagitan ng ‘pectoral collar’ at ‘cloaca’.
Naninirahan ito sa tubig-tabang tulad ng sapa at lawa. Ang pagkain nito ay pagong, ahas, palaka, insekto, at maliliit na mamal.
Ang buwaya ay maalaga sa kanilang mga anak. Tinatabunan ng buwaya ang kaniyang mga itlog ng mga halaman upang maprotektahan ito sa ibang hayop. Limang linggo pagkatapos ng pagtatalik, ang babaeng buwaya ay nangingitlog ng 30 hanggang 40 itlog.
Ang pambihirang ‘species’ na ito ay nanganganib na maubos. Matatagpuan ito sa mga isla ng Luzon, Mindoro, Masbate, Samar, Negros, Busuanga, Mindanao, at Jolo, Sulu. Nanganganib na maubos ang Philippine crocodile dahil sa patuloy na pagsira ng tirahan nito para sa kabuhayan ng tao at walang humpay na pagpatay sa mga ito dahil sa maganda nilang balat na ginagawang bag, sapatos, sinturon at iba pa. Dahilan dito, itinatag ang Crocodile Farming Institute (CFI) (na ngayon ay kilala sa tawag na Palawan Wildlife and Rescue Center) noong ika-20 ng Agosto 1987 sa Irawan, Puerto Princesa, Palawan upang mapigil ang mabilis na pagkaubos ng mga buwaya. Layunin ng CFI na pangalagaan ang dalawang uri ng buwaya sa Pilipinas na malapit ng maubos at makatulong sa kabuhayan ng mga mamamayan at sa ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng pagbuo ng isang teknolohiya sa malawakang pag-aalaga ng mga buwaya bilang isang uri ng pagkakakitaan. Sa CFI, ang pagpaparami ng buwaya ay ginagawa sa pamamagitan ng artipisyal na paraan. Ang lalaki at babaeng buwaya ay pinagpapares at binibigyan ng panahong maging pamilyar sa isa’t isa hanggang sa magbuntis. Pagkatapos ay kinokolekta ang itlog nito at inilalagay sa inkyubeytor upang mapisa. Ang alagang buwaya ay pinakakain ng karne at isda 2 beses sa isang linggo. Ang dami ng pagkain ay ayon sa haba at bigat ng buwaya. Sa ilalim rin ng programang ito, hinuhuli ang mga buwayang nakakapinsala sa buhay ng tao. Ang mga buwaya ay mahalaga sa takbo ng ating kalikasan at sa ekonomiya ng ating bansa dahil na rin sa mahal at matibay nilang balat at masarap na laman. Kailangan lamang ng pag-iingat kapag ang mga ito ay nakikita, at kung pababayaan lamang sila at hindi gagambalain ay hindi nila tayo sasaktan.
hango sa