National Museum Zoological Collection
ZOOLOHIYA



Banagan (Tagalog; Ilonggo; Cebuano)











Ang magandang banagan na ito ay may katawan na umaabot ng 30 sentimetro ang haba at tumitimbang ng 950 gramo. Ang bilugang ‘carapace’ o ang matigas na balat nito ay kulay asul na napapalamutian ng mga puting linya at may kulay itim na mga tinik. Ang tiyan ay may kulay puting guhit sa likod at naliligiran ng asul sa bandang ibaba ng bawat segmento. Ang unang antena, paang panglakad at panglangoy ay may mahahabang guhit na puti. Ang buntot na mangasul-ngasul at napapalamutian ng puting guhit ay ginagamit sa mabilis na pagtakas.

Sari-sari ang kinakain ng banagan tulad ng isda, kabibe, at iba pang hayop-dagat na mahuhuli nito. Bago ito magluno (pagpapalit ng balat) ay kumakain ito ng marami upang makapag-ipon ng taba sa katawan. Sa panahon ng pagluluno ay hindi na ito kumakain. Ang mga pansipit nito ay ginagamit sa paghuli at paghawak ng pagkain. Ang pagkaing tulad ng ‘shells’ na may matitigas na balat ay unti-unting kinakagat sa gilid hanggang lumitaw ang malambot na parte.

Ang pagpapareha ay ginagawa tuwing tag-araw ilang oras pagkatapos ng pagluluno ng babaeng banagan na nasa hustong gulang habang malambot pa ang balat nito. Inililipat ng lalaking banagan ang punla (sperm) sa ‘sperm sac’ ng babae sa pagitan ng pinakapuno ng dalawang huling pares ng paa. Ginagawa lamang ito sa loob ng 5 minuto. Ang punla ay nananatili sa ‘sperm sac’ hanggang sa muling pagluluno. Ang babaeng banagan ay naglalabas ng mga itlog upang i-‘fertilize’ ng punla. Ang mga itlog na ito ay dala-dala ng babaeng banagan nakakabit sa kaniyang ‘swimmerets’ hanggang sa mabuo ang mga ‘embryo’ at mamisa.

Ang banagan ay matatagpuan sa mabato at tagong lugar ng bahura (reefs) kung saan malalakas ang agos ng tubig. Ito ay karaniwang nahuhuli sa pamamagitan ng ‘lobster pot’ o bubo na pinapainan ng talangka o alimasag o kaya ay sa pamamagitan ng sibat kapag sumisisid. Sa panahong walang buwan, ito ay pinupulot lamang ng mga mangingisdang nagkakapandra (lokal na bersyon ng paninisid na kagat ang ‘hose’ na may hangin at konektado sa kompresor na nasa bangka. Gumagamit sila ng lente upang makuha ang atensyon ng banagan at mahuli ito. Ang banagan ay nabibili sa palengke at restawran sa mataas na presyo. Ang iba ay iniluluwas sa Amerika at Hapon na walang ulo. Ang ‘lobster farming’ ay hindi pa matagumpay sa Pilipinas subalit ginagawa na sa ibang bansa.


hango sa

ANIMAL WONDERS

A Museum Handbook for Teachers

Free Web Hosting