National Museum Zoological Collection
ZOOLOHIYA
Baboy Damo
Ang baboy damo ng Palawan ay isang ‘subspecies’ ng Sus barbatus na makikita sa Malay Peninsula at Borneo. Ang kabuuang katawan nito ay kulay itim. Mayroon itong kulay dilaw sa magkabilang bahagi ng nguso. Ang ulo nito ay mahaba at payat at ang bahagi ng ilong ay pahaba. Mayroon itong magaspang na balbas sa madilaw na bahagi ng nguso.
Ang baboy damo ng Palawan ay karaniwang naglalagi sa primera at sekondaryang kagubatan at pati na rin sa parang. Kinakain nito ang mga nalaglag na bunga ng balete, ugat at halamang ugat tulad ng mais, gabi, kamote, ube, at kung minsan ay palay. Aktibo ito sa gabi ngunit makikita rin sa araw lalo na kapag malamig ang panahon. Umuungol ito na tulad ng sa karaniwang baboy kapag may kinakaing matigas na bahagi ng halaman. Ang babaeng baboy damo ay nanganganak ng 3 hanggang 11 biik. Karaniwan itong hinuhuli upang gawing pagkain o kaya ay pinapatay dahil sa paninira nila ng taniman na dating nasasakop ng kagubatabang kanilang tirahan. Isang ‘endemic’ na ‘species’, ang baboy damo ng Palawan ay kabilang sa listahan ng IUCN (World Conservation Union) bilang hayop na nanganganib maubos. Kabilang naman ito sa mga pambihirang hayop sa Philippine Red Data Book ng WCSP (Wildlife Conservation Society of the Philippines. Ang baboy damo ng Palawan ay pinangangambahang tuluyang mawala kapag ipinagpatuloy ang walang humpay na paghuli at pagpatay dito at pagsira sa kagubatan. Ang mabilis na pagkaubos ng lahat ng uri baboy damo ay isang indikasyon ng malubhang pagkasira ng ating kagubatan bunga ng pagtotroso at pagkakaingin, ang baboy damo ang karaniwang naiiwan kapag wala na ang ibang pang uri hayop.
hango sa