National Museum Zoological Collection
ZOOLOHIYA



Agila ng Pilipinas











Ang pambihirang agila na ito ang pinakamalaking agila sa Pilipinas. Ito ay may sukat na isang metro ang taas at ang lapad ng pakpak kapag nakabuka ay nasa 2 metro. Ang mga mata nito ay walong beses na mas malinaw kaysa mata ng tao. Maaari itong mabuhay mula 30 hanggang 60 taon.

Ang pambansang ibong ito ay matatagpuan lamang sa apat na isla ng Pilipinas: sa Luzon, Samar, Leyte, at Mindanao. Naninirahan ito sa kagubatan at gumagawa ng pugad sa sanga sa tuktok ng matataas na puno. Ang gubat na pinamumugaran nito ay umaabot sa 2,000 metro ang taas. Ang pagkain ng malaking ibon na ito ay pawang mga karne ng unggoy, ‘flying lemur’, iskwirel, ibon, ahas at paminsan-minsan ay paniki. Ang kulay ng balahibo nito ay nagsisilbing pangkubli upang hindi siya mapuna habang naghihintay ng hayop na kakainin niya.

Ang panahon ng pagpaparami (breeding season) ay naaayon sa rehiyon kung saan ito makikita. Sa Mindanao, ang pamumugad ay nagsisimula ng Septiyembre o Oktubre. Sa Luzon naman ay sa Disyembre at sa Samar ay Nobyembre. Ang paglilimlim ay umaabot ng 58 hanggang 60 araw. Ang ‘nestling period’ ay 4 hanggang 5 buwan. Ang batang agila ay umaasa sa magulang hanggang 17 buwan. Tuwing makalawang taon nangingitlog ang Pambansang agila at hanggang isang itlog lamang. Ang pugad nito ay gawa sa mga patpat at binubuo sa ibabaw ng sanga ng matataas na puno may 35 metro ang taas.

Sa kasalukuyan, ang agilang ito ay nabibilang sa pinakananganganib mawala na ‘species’ sa buong daigdig. Ang paghuli o pangangaso, at pagsira sa tirahan nito tulad ng pagtotroso at pagsunog sa kagubatan upang gawing lupang sakahan ang dahilan ng mabilis na pagkaubos ng pambansang ibon na ito. Upang mapangalagaan ang populasyon, ipinagbabawal ng Convention on International Trade of Endangered Species of Wild Fauna and Flora (CITES) ang panghuhuli at pagbebenta nito. Bukod dito, isang ‘captive-breeding program’ ang itinatag sa ilalim ng pamamahala ng Philippine Eagle Foundation. Ang programang ito sa pamamagitan ng artipisyal na inseminasyon ay nakabuhay ng 10 ‘eaglets’ mula 1991.


hango sa

ANIMAL WONDERS

A Museum Handbook for Teachers

Free Web Hosting