Philippine National Herbarium Collection
BOTANIKA
Uruy; Kalo Posong (Posong’s hat)
Ito ay isang ‘parasite’ sa Tetrastigma, mga halamang-baging na kahoy (woody vine) na kasama sa pamilya Vitaceae. Ang Rafflesia ay isang ‘genus’ na may 13 ‘species’ at ito ay matatagpuan sa Southeast Asia. Malalaki ang mga bulaklak nito at ang pinakamalaki ay ang R. arnoldii, matatagpuan sa Borneo at Sumatra at may diametro na halos isang metro. Ang bulaklak ng Rafflesia ay kulay mamula-mulang-kayumanggi, may 5 parang talulot (perigones) na may iba-ibang disenyo ng puting kulugo. Ang isang katangian ng Rafflesia ay ang amoy nito kapag namumulaklak na kahalintulad sa nabubulok na karne at nakaaakit sa mga langaw na siyang nagsisilbing katulong sa pagpapabunga. Ang bulaklak ng Rafflesia ay maaaring babae o lalaki lamang. Ito ang pinakamalaking bulaklak sa bansa.
Ang pagkatuklas kamakailan lamang sa Rafflesia sa Panay ay nakatawag ng pansin sa mga pahayagan, radyo at telebisyon dahil sa ganda nito at kakaibang katangian. Ito’y unang nakita sa mababa at katamtamang taas ng mga bundok ng Panay ng isang grupo na nangangalaga ng kalikasan at umaakyat ng bundok, ang ‘Antique Outdoors (TAO)’ at ipinaalam ito sa isang botaniko sa Pambansang Museo. Ang kasalukuyang pinagtutubuan nito sa Panay ay sa mga bangin na bahagi ng dating kagubatan at napapaligiran ng mga kagubatang kinaingin na.
Itong bagong ‘species’ ng Rafflesia ay inilarawan at pinangalanan ni Dr. Julie F. Barcelona, isang botaniko sa Pambansang Museo sa tulong ng isang kasamahan sa Pamantasan ng Pilipinas sa Los Baños. Ito ang ikatlong ‘species’ ng Rafflesia sa Pilipinas at at ang lahat nang ‘species’ na ito ay dito lamang matatagpuan sa Pilipinas. Ang isang ‘species’, ang R. manillana, ay unang natuklasan sa Mt. Makiling sa Laguna at inilarawan noong 1841. Ito’y naiulat ding natagpuan sa Samar, Leyte at Mt. Isarog sa Bicol. Ang pangalawa, ang R. schadenbergiana ay kilala lamang mula sa ‘type specimen’ at ito’y nakolekta sa Mt. Apo sa Davao noong 1882 at inilarawan noong 1885. Mula noon ay wala nang ibang nakolektang ispesimen kahit na may mga ulat din mula sa kalapit na Mt. Matutum.
hango sa