Philippine National Herbarium Collection
BOTANIKA



Nitò (Luzon at Visayas)








Nitò (Luzon at Visayas); Didit (Batanes); Naúli (Mindanao)

Ang puno nito ay baging na lumalago sa mga masukal na lugar at ang dahon ay parang galamay o kaya ay ‘pinnate’, na ang pinakadulo ay hiwa-hiwa. Ang mga ‘fertile’ na dahon ay mas makitid kaysa sa mga ‘sterile’ at ang mga ‘spikes’ ay 1.0 to 10 mm ang haba.

Ang Lygodium ay isa sa pinakamatandang ‘genera’ ng pako at ito’y nag-umpisa pa noong Mesozoic Era, halos 225 milyong taon na ang nakararaan.

Ang tatlong pinakamalaganap na species ng Lygodium ay ang L. japonicum (Thunb.) Sw., L. flexuosum Sw. at L. circinnatum (Burm.) Sw na napakahalagang materyales para sa mga yaring kamay ng Pilipinas. Batay sa species at edad ng halaman pag ito’y kinolekta, ang matibay na baging nito ay may iba’t ibang kulay, mula sa kulay-dayami hanggang sa matingkad na itim at ito ay kaakit-akit na pantali sa mga kasangkapang yari sa ratan o kawayan. Ang mga basket, sombrero, pitaka, sinturon at iba pang maliliit na bagay na yari sa nito o kakombinasyon ng iba pang materyal gaya ng ratan at dayami ay papular sa mga turista. Ang iba’t-ibang katutubo at mga tao sa Palawan ay gumagamit din ng nito upang; pantali ng baboy damo, kaluban ng itak (bangkurong) at sa paggawa ng sinturon (ambalad) at pulseras (bingkis). Ang nito ay ginagamit ding panggamot. Sa Ifugao, halimbawa, ang maliit na bola ng dahon at baging ay kinakagat upang ipanggamot sa sakit ng ngipin; at sa Zamboanga naman, ang mga ugat ay inilalaga at iniinom upang hindi tumalab ang lason ng kagat ng ahas. Sa Tsina, ang halaman ay ginagamit na pampadura at sa Dutch Indies, ang ugat at dahon ay itinatapal para sa mga sakit sa balat tulad ng buni. Ito ay gamot din ng mga nanganganak.

Sa 25 ‘species’ ng Lygodium sa buong mundo, pito ang matatagpuan sa Pilipinas, sa mga lantad na lugar at sa loob ng kagubatang mababa at katamtaman ang taas. Walang species ang dito lamang matatagpuan sa Pilipinas subali’t sila’y kalat sa buong bansa.


hango sa

THE PLANT WORLD

A Museum Handbook for Teachers

Free Web Hosting