National Museum Geological Collection
HEOLOHIYA
TEKTITES
Ang tektites ay may sukat na mula sa pinakamaliit na butil at ang pinakamalaki ay umaabot sa kilo-kilong bigat. Karamihan sa tektites ay kayumanggi ang kulay sa tumatagos na liwanag at itim naman kapag tinatamaan ng liwanag. Ang iba ay oliva ang pagkakayumanggi at ang iba naman ay nagpapakita ng iba’t ibang uri ng luntiang kulay. Karamihan sa mga ito ay may hugis globo at ang iba ay nagpapakita ng iba’t ibang hugis gaya ng palapad hanggang pabilog, bilohaba (hugis itlog), parang patak ng luha (teardrop) at dumbbell na kumakatawan sa iba’t ibang kondisyon ng kalaputan o kalagkitan noong ito ay mabuo. Ito ay babasaging kristal na posibleng nagmula sa kalawakan o bunga ng isang malakas na pagbabanggaan.
Ang tektites na nagmula sa Pilipinas ay tinatawag na rizalites. Ito ay tinatawag na ‘Tae ng Bituin’ sa lokal na lenggwahe. Ito rin ay nagpapakita ng iba’t ibang uri ng hugis at sukat. Sa panlabas na itsura, ang kulubot, uka, hukay at butas na anyo ay pangkaraniwan.
Humigit-kumulang, ang edad ng tektites sa Pilipinas ay nahahalintulad sa ibang uri ng tektites na nakuha sa Australian Strewn Tektite Field na umaabot ng halos 710, 000 taon. Sakop ng Austalian Strewn Field ang mga bansang Pilipinas, China, West of Madagascar at iba’t ibang panig ng Timog-silangang Asya.
Ang mga tektites ay matatagpuan halos sa lahat ng kapatagan at lambak sa buong Pilipinas. Ang mga lugar na kinakitaan ng napakaraming ganitong klaseng babasaging bagay ay ang parte ng Cagayan Valley, Pangasinan, Rizal, Bicol, Iloilo at Agusan.
Noong unang panahon, ginagamit ng mga unang tao ang bagay na ito bilang anting-anting o agimat at ang iba naman ay bilang isang kagamitan o adorno. Noong 1926, natagpuan ni Bayer ang itim na bagay na ito sa isang prehistoric iron age site na may edad na 200 B.C. Sa Cagayan Valley, ang mga ito ay natagpuan sa mga batong may edad na Pleystosin (isang milyong taon) kasama ng mga labi ng elepante, rhinoceros at mga kagamitang yari sa bato.
hango sa