National Museum Geological Collection
HEOLOHIYA



PETRIFIED WOOD










Ang kahoy na nagiging bato ay nabubuo kapag ang mga mineral na natunaw ng tubig sa ilalim ng lupa ay pinapalitan ang istruktura ng nabulok na kahoy ng mga nabaong puno. Ang sistema o paraan ng pagiging bato ng kahoy ay nangyayari ng paunti-unti. Ang natunaw na mineral ay unti-unting pumapasok sa matigas na bahagi ng puno. Sa paglipas ng panahon, ang selula ng kahoy ay napapalitan ng mineral. Ang fossil ay literal na nagiging bato. Kung ito ay nangyari ng paunti-unti, ang pinong bahagi ng mga himaymay ng puno ay napepreserba. Sa ibang kaso, ang detalye ay pinung-pino na kahit na ang kaanyuan ng selula ay napepreserba subalit ang kulay pa rin ng pumalit na mineral ang nakukuha. Ang ispesimeng ito ay may habang 34 sentimetro, lapad na 16.8 sentimetro at kapal na 7.2 sentimetro.

Hindi karaniwan sa isang organismo ang maging fossil. Kadalasan, kapag ang isang organismo ay namatay, ito ay kinakain o nabubulok. Ang mabilis na pagkakabaon sa suson ng sediment ang nakakapagpahinto ng pagkasira ng organismo.

Ang resulta ng pag-aaral ng mga dalubhasa sa fossil ay may malaki at importanteng papel sa pagsasaliksik botanikal. Ito ay nagsisilbing direktang ebidensya ng buhay noong unang panahon dahil ang mga kahoy na naging bato (preserbadong kahoy) na natagpuan sa alinmang suson ng bato ay kumakatawan sa ilang halaman na nabuhay noong panahong iyon.

Ang ispesimeng ito na may Accession No. na NMP-209 ay nakolekta sa Bagong Bantay, Quezon City noong Agosto 1973. Ang iba pang lugar sa Pilipinas kung saan pa makakakuha ng kahoy na naging bato ay sa Cagayan, Kalinga Apayao, Pangasinan, Bulacan, Bataan, Iloilo, Bohol, La Union, Rizal, Marinduque, Manila, Agusan del Norte, Negros Occidental, Legaspi City, Cavite, Semirara Island at Zambales. Ang kahoy na sobrang silicified ay pwedeng hatiin at pakintabin pero ito ay nangangailangan ng tanging kagamitan. Ang pinakintab na bahagi ng punong naging bato ay kadalasang ipinagbibili sa tindahan ng mga antigo.


hango sa

EARTH'S TREASURES

A Museum Handbook for Teachers

Free Web Hosting