National Museum Ethnographic Collection
ANTROPOLOHIYA



Barkong Lepa







Ang lepa ay isang bahay-barko ng mga Sama D’laut na mas kilala sa tawag na Badjao. Ito ay ang mga katutubong namumuhay sa dagat at matatagpuan sa Sitangkai, Bongao at Tawi-tawi. Gamit nila ang ganitong uri ng barko na nagsisilbi ring bahay, upang tumungo sa iba’t ibang lugar kasabay ang paghuli ng isda para sa kanilang pagkain. Sa kanilang paglalayag, ang mga Sama D’laut ay umaabot sa ibang kapuluan tulad sa Sulawesi, Indonesia, Sabah at hanggang Vietnam.

Ang lepa na ito ay natatangi dahil sa kanyang tradisyonal na pagkagawa at kakaibang layag. Gawa ito sa kahoy na yakal at may nakaukit na okil sa bandang unahan at proa ng barko.

Ang barko ay may palapag kung saan ang tirahan ng Sama D’laut ay natatakpan ng hinabing sasa. Ang takip na ito ay maaaring tanggalin kung hindi kailangan. Kumakain sila sa may bandang hulihan ng barko at dito rin nakatago ang nakaimbak na tubig at pagkain. Makikita rin sa loob ng barko ang sari-saring kagamitang pambahay tulad ng mga lutuang palayok, sandok na gawa sa bao ng niyog, lalagyan ng tubig at kasama rin dito ang iba’t ibang uri ng gamit pangisda.

Ang lepa ay galing sa Sitangkai, Tawi-tawi at napunta sa Pambansang Museo sa pamamagitan ng tulong ng Japan Foundation. Ito ngayon ay naka-eksibit sa Fort Pilar, Zamboanga City, isang sangay ng Pambansang Museo.


hango sa

PEOPLES OF THE PHILIPPINES

A Museum Handbook for Teachers

Free Web Hosting