National Museum Visual arts Collection
SINING
Spoliarium
Pinakikita ng likhang ito ang isang madugong bahagi ng kasaysayang Romano, ang labanan ng mga gladiator. Ang Spoliarium ay isang salitang Latin na tumutukoy sa pinakailalim na palapag ng Koloseo ng Roma na kung saan dinadala ang mga namatay at naghihingalo pang gladiator. Dito rin sila hinuhubdan ng kanilang mga kagamitan.
Nasa sentro ng likhang ito ang mga nakahandusay na gladiator habang hinihila ng mga Romanong kawal. Sa kaliwang bahagi, makikita ang mga taong nagmamasid at naghihintay na kunin ang mga helmet at iba pang kagamitang panlaban ng mga gladiator. Kabaligtaran ng kaguluhan sa kaliwa, isang tahimik at malungkot na larawan naman ang makikita sa bandang kanan. Isang matandang lalaki ang may dalang sulo na animo hinahanap ang kanyang anak, habang isang babae naman ang nakahandusay at iniiyakan ang kanyang namatay na minamahal.
Ang Spoliarium ang pinaka-mahalagang likha ni Juan Luna, isang Pilipinong pintor na nakapag-aral sa Academia de Dibujo y Pintura sa Pilipinas at sa Academia de San Fernando sa Madrid, Spain. Sa sukat na 4.22 metro at 7.675 metro, ito ang pinakamalaking oleo-sa-canvas ng Pilipinas. Isang halimbawa ng makasaysayang likha, ito ay ginawa ni Luna noong 1884 bilang lahok sa prestihiyosong Exposicion de Bellas Artes (Madrid Art Exposition, Mayo 1884) at nagtamo ng Unang Gintong medalya.
hango sa