National Museum Archaeological Collection
ARKEOLOHIYA



Lingling-o






Ang lingling-o ay isang uri ng palawit sa tainga na nilikha mula sa berdeng neprayt (jade). Ito ay katangian ng unang yugto ng Kapanahunang Metal. Ang hubog nito ay bilog na may hiwa sa isang gilid para sa butas ng tainga. Ang iba ay payak at ang iba ay may tatlong buton na tulad ng mga usbong. Kung minsan ang mga buton ay mahahaba tulad ng tinik.

Isa sa pinakamagandang palamuti na yari sa jade magpahanggang ngayon ay natagpuan sa kweba ng Duyong. Nakaukit sa palawit ang dalawang ulo. Ito ay halimbawa ng kasanayan ng pag-ukit sa jade. May natagpuan ding mga palawit sa kweba sa Arku sa Penablanca, Cagayan at sa mga kweba sa Uyaw, Guri at Rito-Fabian sa Palawan.

Ang palawit sa tainga ay hindi lamang yari sa jade. Ginagamit din ang balat ng kabibe, luad at bato. Ang uri ng materyal na ginagamit sa paggawa ng palamuti ay nagpapahiwatig ng katayuan sa lipunan. Hanggang sa kasalukuyan, ang hubog ng lingling- o na yari sa ginto at tanso ay ginagamit pang palawit at hikaw ng mga Ifugao at Igorot sa hilagang bahagi ng Pilipinas.


hango sa

CULTURES OF THE PAST

A Museum Handbook for Teachers

Free Web Hosting