National Museum Archaeological Collection
ARKEOLOHIYA
Daras na yari sa bato at sa kabibe
Gumamit ng giniling at pinakinis na kasangkapang yari sa bato ang sinaunang tao. Sa kasalukuyan, ang mga ito ay iniuugnay sa kulog at kidlat. Ito ay tinatawag na “ngipe’t duldug” (ngipin ng kulog), “tango han linti” (ngipin ng lintik) at “dila latik” (dila ng lintik). Ayon sa paniniwala, matatagpuan ang daras na bato (na hugis ngipen sa harapan) kung saan tinamaan ng lintik ang punong kahoy.
Ang pinakinis na batong daras na hugis itlog sa kros seksyon ay nilikha at ginamit ng mga sinaunang tao sa panahon ng Neyolitik. Ang mga giniling na batong kasangkapan na natagpuan sa pook na may bangang kabaong, ay pinaniniwalaang gamit sa pag-uka sa kahoy. Ito ay pangkaraniwan sa ‘Quadrangular Adze Culture’ (kultura ng kwadradong daras). Ito ay maliliit, giniling at pinakinis na daras at gawa sa makinis na uri ng bato. Sa kros seksyon ang hubog nito ay rektangulo o trapesoyd.
Ang mga daras na yari sa bato (noong Panahong Neyolitik) ay natagpuan sa kweba ng Arku, Peñablanca sa Cagayan; kweba sa Duyong, Palawan; sa Dimolit, Isabela at sa Candaba, Pampanga.
Sa ibang pook, kapag walang matagpuang bato, balat ng malalaking kabya (Tridacna gigas at Tridacna maxima) ang ginawang daras. Ang bisagra ng balat ay pinakinis upang magkaroon ng iba’t-ibang hugis. Ang ganitong uri ng daras ay natagpuan sa kweba sa Duyong, Palawan at tinatayang may edad na 2680 taon bago ipinanganak si Kristo. May nakita rin sa kweba sa Kanlungang Bato ng Balobok, Sanga-Sanga, Tawi-Tawi at sa kweba sa Bato, Sorsogon.
Ang mga nakuhang daras (na yari sa Tridacna) ay kahalintulad din sa nakuha sa Micronesia; mga isla sa Ryukyu sa Pasipiko; at sa Okinawa sa Timog na bahagi ng Hapon.
Ginamit din ang mga kasangkapang ito hanggang sa Kapanahunang Metal, . Ang mga batong kasangkapan na ginamit noong panahong iyon ay natagpuan sa ibang pook tulad ng Manga Site, Andarayan at sa Lal-lo, Cagayan.
hango sa